PATRIARKAL ENSIKLIKAL PARA SA BANAL NA PASKA 2023

Date

PATRIARKAL ENSIKLIKAL PARA SA BANAL NA PASKA 2023

✠ BARTOLOME

SA AWA NG DIYOS ARSOBISPO NG KONSTANTINOPLA-BAGONG ROMA AT PATRIARKA EKUMENIKO

SA PANGKALAHATANG IGLESIA: NAWA ANG GRASYA, KAPAYAPAAN AT AWA NG KRISTONG MULING NABUHAY SA KALUWALHATIAN AY SUMAINYONG LAHAT

Mga lubhang kagalang-galang na kapatid na Herarka,

Minamahal kong mga anak,

Tayo nga ay nakarating sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon na nakapagbibigay ng kaligtasan, na nagwakas sa kapangyarihan ng kamatayan at ang mga pinto ng paraiso ay nabuksan para sa sangkatauhan, taos-puso kaming bumabati sa inyo ngayong Paskuwa kalakip ang aming mga dalangin, habang ating isinisigaw na “Si Kristo ay nabuhay” na nagbibigay ng kagalakan sa mundo.

Sa lahat ng aspeto, ang buhay ng Iglesia ay pinapasigla ng di-maisaysay na kagalakan ng Muling Pagkabuhay. Ang “karanasan ng muling pagkabuhay” ay atin ngang nasaksihan sa mga pagpapagal ng mga Banal at mga Martir ng ating pananampalataya, maging sa mga pagsamba at sakramento, ang debosyon at buhay espirituwal ng mga mananamplataya, ang kanilang pagsasakripisyong naka-ugat sa pag-ibig at maka-Kristiyanong pamumuhay, subalit higit sa lahat ay sa kanilang inaasam na buhay kung saan ay “wala nang kamatayan, wala na rin pagluluksa, pighati o paghihirap man” (Pah. 21:4). 

Dahil sa Muling Pagkabuhay, lahat ay nasa kalagayan ng pagkilos tungo sa kaganapan sa Kaharian ng Diyos. Ang ganitong maalab na pag-asa sa kahariang dumarating ang palaging nagbibigay sa mga Kristiyanong Ortodox ng sigasig at matibay na kamalayan. Sa kabila ng mga pag-aangkin ng kabaligtaran, bunga ng ganitong pag-iisip sa mga bagay tungkol sa wakas ng panahon, ang Iglesia ay hindi kailanman nakompromiso sa presensya ng masama sa lahat ng pagpapakilala nito sa mundo. Hindi rin nito itinanggi ang katotohanan ng sakit at kamatayan. Ni binaliwala man ang kaguluhan ng mga pangyayari sa buhay ng tao. At sa huli, hindi nito ipinalagay na ang pakikibaka sa isang mas maayos na mundo ay walang-kaugnayan sa misyon nito. 

Gayunpaman, palaging nalalaman ng Iglesia na ang paghihirap at ang krus ay hindi ang ganap na katotohanan. Ang pinakatipikal na karanasan ng buhay Kristiyano ay ang matinding paniniwala na sa pamamagitan ng Krus at ng “makitid na pintuan” tayo ay naakay patungo sa Muling Pagkabuhay. Ang pananampalatayang ito ay nasasalamin sa katotohanang ang sentro ng ating buhay sa iglesia, ang Banal na Eukaristiya, ay sangkot sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sa tradisyong Ortodox, gaya nga ng binigyang-diin ng namayapang Metropolitano Juan ng Pergamon, ang Banal na Eukaristiya ay “puno ng kagalakan at liwanag hindi dahil sa hindi ito nakabatay sa Krus at pagtatangi ng paghihirap, kundi dahil sa Muling Pagkabuhay na hinigitan ang pagpapakasakit sa Krus.” Dinadala tayo ng Banal na Eukaristiya sa Golgota hindi upang manatili lamang roon, datapuwa’t ay madala tayo sa pamamagitan ng Krus patungo sa maningning na kaluwalhatian ng Kaharian ng Diyos. Ang pananampalatayang Ortodox ay pagtatagumpay sa idealistikong kahulugan ng kaligtasan “ang walang Krus” at ang umiiral na maling paniniwala sa Krus “ang walang Pag-kabuhay”.

Ang ating pakikibahagi sa Muling Pagkabuhay ni Kristo sa pamamagitan ng sakramento ng Iglesia ay sa isang banda ay nakikitang katunayan ng ating pagsira sa anuman uri ng utopianismo at ng huwad na paraisong nangangako ng walang hadlang na pagpapakasasa, at sa kabilang banda naman ay ang tiyakang hindi pagtanggap sa mapang-aliping kalagayan ng kawalan ng pag-asang malampasan ang wari hindi na malalampasang patanggi dahil ang Krus ni Kristo ang nagsilang sa Muling Pagkabuhay, tungo sa “walang katapusang galak”, tungo sa “kagalakan  sa walang hangang kaluwalhatian.” Ang pagkagapi ng kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng ating Tagapagligtas ang nagtaas sa antas ng ating buhay sa makadios-taong kakanyahan at makalangit na patutunguhan.

Kay Kristo, namumuhay tayo na may kabatiran na ang kasalukuyang buhay natin ay hindi ang siyang kabuuan, na ang kamatayan ng ating katawan ay hindi nangangahulugan na tapos na o wala na tayong pag-iral. Ang hangganan ng buhay dito sa lupa ay hindi ang hangganan ng katotohanan nito. Sa kabaligtaran, ang mababaw na pananaw na “mamamatay lang rin naman tayo sa huli” ay nauuwi sa katamlayan na mamuhay na may kabuluhan, depresyon at nihilismo, sa kawalan ng pakialam para sa mga bagay sa buhay na may saysay. Ang siyensiya, at ang pinansyal o panlipunang pag-unlad ay wala man lang naitulong na husto para rito. Ang mga Kristiyano ay “sila na may taglay na pag-asa”(1 Tes. 4:13), na hinahangad ang dumarating na Kaharian ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo bilang ganap na katotohanan, ang kapuspusan ng buhay at ng karunungan, bilang katuparan ng kagalakan, hindi lamang para sa mga darating na henerasyon kundi para sa buong sangkatauhan mula sa pasimula hanggang sa katapusan ng mga panahon.

Ang ganitong pananaw sa kasalukuyang pagkilos ng kasaysayan at ng kawalang-hangganan, ang kalikasan ng pananampalatayang Ortodox na nakasalig sa muling pagkabuhay, ang ethos at kultura nito—ang hindi mapagdududahang patunay na ang dakilang himala ng Katotohanan ay inihahayag lamang “sa kanila na pinagpipitagan ang misteryo ng pananampalataya”–ay siyang pinanawagan sa atin ngayon na bigyang saksi sa gitna ng lahing liko na tinatalikuran ang Nakahihigit-na-Di-Malirip at sa konteksto ng kabi-kabilang pagmamaliit sa espirituwal na pagkakakilanlan ng pag-iral ng tao.

Luwalhatiin natin sa pamamagitan ng mga pag-kanta, ng imno at mga awiting espirituwal ang ating Panginoon na bumangon mula sa mga patay at nagningning ng buhay na walang-hanggan para sa lahat. Tayo ay nakikibahagi na may kagalakan sa “pista na para sa lahat.” At atin nawang ipamanhik sa makapangyarihan, puspos ng karunungan at lubhang-mahabaging Manlalalang at Manunubos ng lahat na ibigay ang kapayapaan sa mundo at ipagkaloob ang biyaya Niyang kaligtasan sa sangkatauhan, upang ang Kanyang maluwalhati at marangal na pangalan ay luwalhatiin at parangalan, ngayon at magpakailanman, at magpasawalang-hanggan. Amen!

Mula sa Phanar, Banal na Paska 2023

✠ Bartolome ng Konstantinopla

Ang inyong masugid na tagapagsumamo 

sa Panginoon na Muling Nabuhay

More
articles